Thursday, March 4, 2010

Oratio Imperata (Ulan, Tagalog Version)

Ama naming mapagmahal na lumikha ng sangkalupaan at sanlibutan at ng mga kahanga-hangang kalikasan na dinadaluyan ng buhay ng iyong mga nilikha. Mapagkumbaba kaming sumasamong ipagkaloob mo ang biyaya ng ulan na siyang matinding pangangailangan ng aming bansa ngayon upang tubigan ang aming mga bukid at mga nanunuyong lupa, mapigil ang mapipintong krisis sa kuryente at patirin ang aming mga uhaw. Sa hudyat ng salita mo’y sumusunod ang hangin at dagat, iunat mo ang iyong mapagpalang kamay upang mapasimulan na ang naudlot na pangkaraniwang panahon ng tag-ulan at upang maiwasan ang napipintong krisis.

Diyos naming maawaain at mapagbigay, imulat mo ang aming mga mata sa kayamanan at kagandahan ng iyong mga nilikha at hubugin mo kaming maging mapagmalasakit para sa kalikasan. Turuan mo kaming maging magpagkakatiwalaang tagapangalaga ng iyong nilikha upang mapakinabangan namin ito ng may pananagutan at mapangalagaan ito laban sa pang-aabuso at panlulustay. Ngayong panahon ng krisis, mahal naming Panginoon, himukin mo kaming lalo pang magbahagi, maglingkod at magmahal.

Mapagmahal na Diyos, Ama ng aming Panginoon Hesukristo, ipinagkatiwala mo ang Bayang Pilipino sa maka-inang pagkalinga ng Mahal na Birheng Maria, dinggin mo ang mga panalangin ipinamimintuho namin sa kanya para sa pagtataguyod niya sa amin, ang bayan labis niyang minamahal.

Hinihiling namin ito sa pamamagitan ng aming Panginoong Hesukristo na nabubuhay at naghahari kasama mo at ng Espiritu Santo, magpasawalang hanggan. Amen.

Ina ng Guadalupe, ipanalangin mo kami.
Santa Rosa ng Lima, ipanalangin mo kami.
San Lorenzo Ruiz, ipanalangin mo kami.






Technorati icon

Technorati Cosmos: other blogs commenting on this post