Tuesday, July 8, 2008

Panalangin Kay San Agustin

PANALANGIN KAY SAN AGUSTIN

O San Agustin, pinili ka nang Amang Lumikha upang maging Guro ng pag-ibig, ilaw ng mga mangangaral at mag-aaral, Pantas ng Simbahan, haligi ng Santa Iglesia, tagapagtanggol ng pananampalatayang Kristiyano at kalasag laban sa mga kaaway. Hayaan mong matularan ko ang iyong halimbawa ng pagbabalik-loob sa Diyos upang ako rin ay makatamasa ng matuwid na landas tungo sa kaginhawahang walang katapusan upang ang puso ko ay pamahayan ng Banal na Santatlo.

Ipanalangin mo ako, patron kong San Agustin, upang ang aking bisyo at mga maling aral na pinaniniwalaan ay aking maituwid sa tulong at awa ni Hesu-Kristo. Tulad ng iyong nasumpungan sa sulat ni San Pablo sa Bagong Tipan, nawa ay “maiwasan kong malugmok sa lusak ng kamunduhan at kalaswaan; at maisuot ko ang damit ng aking Panginoong Hesu-Kristo.”

Tulungan mo ako, San Agustin, upang manaig sa akin ang karunungan at katalinuhan na biyaya sa akin ng Diyos. Nawa ang mga biyayang ito ay maghatid sa aking buhay nang kabanalan. Papagliwanagan mo ako na umasa sa biyaya ng Espiritu Santo at hindi sa sarili kong kakayahan lamang.

San Agustin, ipanalangin mo ako sa Banal na Santatlong Diyos sa aking kahilingan… (Sandaling tumahimik at isipin ang lahat ng mga kahilingan)

Idinadalangin ko rin ang lahat ng mga mag-aaral, lalung-lalo na ang lahat ng mga kumukuha ng pagsusulit, na sa tulong mo San Agustin mapagpatagumpayan nila ang mga pagsubok na kanilang kinakaharap sa mga katanungang kanilang dapat sagutin. Na ang karunungan at katalinuhan na iyo ring tinaglay ay magsilbi nilang instrumento upang sila ay maliwanagan sa anumang kakaharapin nilang pagsusulit o pagsubok sa buhay.

Nawa’y maisabuhay ko ang halimbawa mo, o aking patrong San Agustin, upang ang aking napapagal na puso ay makasumpong ng kapayapaan at magalak sa pag-ibig ng iisang Diyos. Amen.

San Agustin, haligi ng lakas ng mga mag-aaral, ipanalangin mo kami.

San Agustin, ilaw ng mga guro, ipanalangin mo kami.

San Agustin, tagapamagitan ng mga kumukuha ng pagsusulit, ipanalangin mo kami.

San Agustin, sisidlan ng Banal na Karunungan, ipanalangin mo kami.

San Agustin, taga-aliw ng mga nababagabag, ipanalangin mo kami.




Technorati icon


Technorati Cosmos: other blogs commenting on this post